Nais ni Speaker Lord Allan Velasco na repasuhin ang walong taong polisiya na nagsususpindi sa pagbyahe sa karagatan sa mga lugar na isinailalaim sa Public Storm Warning Signal (PSWS) Number 1, o 36 na oras bago manalasa ang isang bagyo.
Sinabi ni Velasco na ang polisiya – na inilatag sa isang memorandum circular ng Philippine Coast Guard (PCG) noong 2013 – ay napatunayang hindi produktibo at nakakasagabal sa industriya ng paglalayag sa bansa, at ng publiko.
Ayon kay Velasco, ang kautusan ng PCG ay nagreresulta sa nakakabahalang pagkaantala, hindi inaasahang pagkansela, pagbaba sa pagkaproduktibo sa ekonomiya at paghinto ng serbisyo sa paglalayag.
Ipinahayag ito ni Velasco matapos na makipagpulong siya sa mga opisyales ng PCG, Philippine Atmospheric, Geophysical ang Astronomical Services Administration (PAGASA), at Maritime Industry Authority (MARINA) kamakailan lamang.
Tumuon ang talakayan sa PCG Memorandum Circular No. 01-13, na nagsasaad ng “Guidelines on Movement of Vessels During Heavy Weather,” na epektibong nagbabawal sa anumang uri ng sasakyang pangdagat o barko, sa paglalayag mula sa pinanggalingan, ruta, hanggang sa patutunguhan nito kapag ang babala ng PSWS No.1 ay naitaas na.