Tuesday, May 11, 2021

-KAMARA AT SENADO, DAPAT MAGKAROON NG IISANG BOSES HINGGIL SA ISYU NG WEST PHILIPPINE SEA — BARBERS

Iminungkahi ni Surigao del Norte Rep. Robert “Ace” Barbers sa Kamara de Representanes at sa Senado na magkaroon ng isang joint resolution na magpapahayag ng iisang boses ng mga mambabatas kaugnay sa isyu ng West Philippine Sea.


Sinabi ni Barbers na ang naturang joint resolution ay gagawin hindi para magdeklara ng giyera o kung anuman.


Ang joint resolution aniya ng dalawang kapulungan ng Kongreso ay layong magkaroon ng united voice o iisang posisyon hinggil sa pag-angkin ng China sa ating mga teritoryo at presensya ng kanilang pwersa sa West Philippine Sea kagaya ng sa Julian Felipe reef.


Naniniwala rin si Barbers na ang joint resolution ay magsisilbing matibay na boses na maririnig ng international community na maaaring magpalambot sa China.


Ayon sa kanya, sa kasalukuyan ay wala pang joint resolution ang Kamara at Senado, pero umaasa siyang makukonsidera ito dahil may “value” o halaga ang iisang boses ng dalawang kapulungan.


Dagdag pa ng mambabatas, kailangang magpakita ang ating bansa ng sinseridad para angkinin ang sariling atin, na patungkol sa ating mga karapatan sa West Philippine Sea.


Giit pa ni Barbers, huwag dapat umalis ang pwersa ng Pilipinas sa teritoryo dahil kailangang magpakita tayo na may nagbabantay doon kahit isang libo o gaano pa karami ang mga barko ng China.