Monday, May 24, 2021

-HAKBANG NA DAGDAG NG MANGGAGAWA SA HEALTH SECTOR NG PRC, MALUGOD NA TINANGGAP NI SPEAKER VELASCO

Malugod na tinanggap ni Speaker Lord Allan Velasco ang pasya ng Professional Regulation Commission (PRC) na ituloy ang unang batch ng 2021 Nursing Licensure Examination (NLE) sa Hulyo imbes na sa Nobyembre.


Siabi ni Speaker Velasco na ito ay isang magandang kaganapan upang matulungan ang kakulangan ng pamahalaan ng mga manggagawa sa kalusugan na pinalala ng pagdami ng kaso ng COVID-19.


Kamakailan ay nakatanggap ng liham si Velasco mula kay PRC Chairman Teofilo Pilando Jr. at inaabisuhan siya na ang ipinagpaliban na May 2021 NLE ay inilipat sa ika-3 at 4 ng Hulyo, samantalang sa a-21 at 22 ng Nobyembre naman ay itinakda para sa ikalawang batch ng taon para sa nursing board exam.


Matatandaang ipinagpaliban ng PRC sa Nobyembre ang unang batch ng 2021 NLE na orihinal na nakatakda sa ika-30 at 31 ng Mayo, sa pakiusap ng Philippine Nursing Association dahil sa pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19.


Ito ang nagbunsod kay Velasco na imungkahi na ang mga dapat na kukuha ng pagsusulit sa 2021 NLE ay pakilusin muna, bilang mga karagdagang tauhan sa gitna ng kakulangan ng mga manggagawa sa kalusugan sa buong bansa.


Sinabi ni Velasco na ang mga nursing graduates na hindi pa nakakapag-exam ay maaaring magtrabaho sa ilalim ng superbisyon ng mga rehistradong nars at doktor, sa isang mapagkakasunduang pagtatalaga ng PRC.





Sa kanyang liham kay Velasco, sinabi ni Pilando na isasaalang-alang muli ng PRC ang inisyal na pagpapaliban dahil “ganap nilang nauunawaan ang pangangailangan na magdaos ng NLE, upang madagdagan ang mga manggagawa sa kalusugan sa Pilipinas sa panahon ng kagipitan sa pampublikong kalusugan, habang naghahangad din ng kaligtasan at kapakanan ng mga mag-eeksamen at mga magsasagawa ng pagsusulit.”


Kinumpirma rin ng hepe ng PRC na ang serbisyo ng mga nursing graduates ay mapapakinabangan sa panahaon ng kagipitan sa pampublikong kalusugan.


Binanggit niya ang Memorandum Order No.14, series of 2009 ng Commission on Higher Education, na nagsasaagd na ang mga hindi pa lisensyadong nars na nakagraduate na ay maaaring bigyan ng responsiblidad tulad ng mga nursing aides sa mga ospital.


“Kapag sila (nursing graduates) ay nabigyan ng trabaho bilang nurse attendants o aides, dapat silang isailalim sa pamamahala ng isang rehistradong nars sa pasilidad,” ani Pilando.


Pinasalamatan ni Velasco si Pilando sa kanyang “kagyat na tugon at malinaw na plano at hakbang sa ating panawagan para sa agarang pagdaragdag ng mga manggagawa sa kalusugan, sa gitna ng patuloy na banta ng COVID-19.”


“Kakailanganin natin ang lahat ng tulong na ating makukuha, upang masugpo natin ang pandemyang ito,” dagdag ni Speaker. #