Kompiyansa si House Committee on Constitutiona Amendment Chairman Alfredo Garbin, Jr. na mapag-bobotohan sa Kamara ang Resolution of Both Houses 2 RBH 2 o ang tinatawag na Economic Charter Change o Cha-Cha bago mag-sine die adjournment ang Kongreso sa ika4 ng Hunyo.
Buong tiwalang ipinahayag ito ni Rep. Garbin, ilang araw bago magbalik-sesyon ang Kongreso sa May 17, 2021.
Sinabi ni Garbin na tatapusin na lamang nila ang plenary debates para sa RBH no. 2, na ini-akda sa pangunguna ni House Speaker Lord Allan Velasco.
Bago aniya nag-bakasyon ang Kamara noong huling bahagi ng Marso ay nasa pitong kongresista na lamang ang nalalabing naka-lista para sumalang sa debate.
Madali na umanong matatapos ito lalo’t paulit-ulit na lamang ang diskusyon hinggil sa isinusulong na pag-amiyenda sa iilang itinuturing na restrictive economic provisions ng Saligang Batas.
Sa oras naman na matapos na ang debate ay pagbobotohan na ang RBH no. 2 sa ikalawang pagbasa, at ikatlong pagbasa bago mag-adjourn ang Kongreso.