Ibinunyag ni Speaker Lord Allan Velasco na pinag-aaralan na ngayon ng mga economic managers ng bansa, ang mga potensyal na pagkukunan ng pondo para sa Bayanihan 3, ang panukala na tinatayang magpapasigla sa buhay ng sambayanan, sa gitna ng pandemyang patuloy na nananalasa sa ekonomiya at nagpapahirap sa kabuhayan ng milyon milyong Pilipino.
Ayon kay Velasco, sinabi sa kanya ni Finance Secretary Carlos Dominguez III at Budget Secretary Wendel Avisado sa ginanap na online na pagpupulong noong ika-8 ng Abril, na ang Department of Finance at Department of Budget and Management ay kasalukuyan na ngayong nasa proseso ng pagtukoy ng mga mapagkukunan ng pondo, upang mapausad na ang Bayanihan 3, na naglalayong pagaanin ang pagbangon ng ekonomiya na inilugmok ng krisis sa pangkalusugan.
Nauna nang inihain nina Velasco at Marikina City Rep. Stella Luz Quimbo, isang kilalang ekonomista, ang kanilang mga sariling bersyon ng Bayanihan 3 sa ilalim ng House Bill 8628 o ang “Bayanihan to Arise As One Act,” na humihiling ng P420-bilyong pondo upang pasiglahin ang pagbangon sa ekonomiya ng bansa mula sa krisis dulot ng COVID-19.