Friday, April 09, 2021

-PAMIMIRATA NG PELIKULA SA ONLINE, SINIYASAT SA KAMARA

Dahil sa lumalagong industriya sa digital media sa gitna ng pandemya, tinalakay kahapon ng Special Committee on Creative Industry and Performing Arts sa Kamara de Representantes ang mga naiulat na pamimirata sa online na laganap noong 2020 Metro Manila Film Festival (MMFF).


Isinulong ni Pangasinan Rep. Christopher de Venecia, Chairman ng Komite ang pagsisiyasat sa pamamagitan ng House Resolution 1588.


Sa naturang pagdinig, iniulat ni Film Director Quark Henares, pinuno ng Globe Studios, na ang MMFF ay nakaranas ng 90 porsyentong pagbagsak sa kita ng MMFF noong nakaraang taon.


Iniugnay niya ang pangyayari sa biglaang paglipat sa online streaming, kakulangan sa kasikatan, at pamamayagpag ng pamimirata sa online.


Hiniling ng Komite sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na isumite ang kanilang plano sa pagmemerkado, gayundin ang pagsuri at pagtugon sa mga posibleng agwat sa mga inisyatibo sa pagsusulong ng aktibidad.


Tiniyak ni De Venecia na ang mga mambabatas ay tutulong upang makahiling ng karagdagang pondo sa ilalim ng Department of Information and Communications Technology (DICT), upang magkaroon ng  sistema o teknolohiya para matukoy ang cybercrime.