Thursday, April 22, 2021

-PAGTALAKAY SA POLUSYONG DULOT NG PLASTIK, ISINUSULONG NI SPEAKER VELASCO SA EARTH DAY 2021

Sa paglahok ng Pilipinas sa pandaigdigang komunidad sa pagdiriwang ng Earth Day, nanawagan ngayon si House Speaker Lord Allan Velasco na tugunan ang polusyong dulot ng plastik, na isa sa pinaka nakakabahalang usapin hinggil sa kalikasan.


Sinabi ni Velasco na malaki ang pangangailangan na pasimulan na ang isang direkta at maaasahang hakbang, para masugpo ang polusyon sa plastik, tulad ng pagpapatupad ng pagbabawal sa mapanganib at hindi kinakailangang minsanang gamit ng mga produkto ng plastik.


Ayon pa kay Velasco, kailangan nating maging determinado at maagap sa pagsupo ng polusyon sa plastik dahil kinukulang na tayo ng panahon para maisalba ang ating planeta.


Binanggit niya ang mga datos mula sa International Union for Conservation of Nature (IUCN), na mahigit sa 300 milyong tonelada ng plastik  ang nagagawa sa buong mundo bawat taon, at umaabot sa 8 milyong tonelada nito ay natatapon sa karagatan, na lubos na nagdudulot ng panganib sa ecosystem ng mga lamang dagat.