Friday, April 23, 2021

-MGA KAUTUSAN NG DOH AT FDA NA UMANO’Y HUMAHADLANG SA PAMAMAHAGI NG SERBISYONG KALUSUGAN SA PUBLIKO, SINIYASAT SA KAMARA

Nagdaos ng isang motu proprio investigation ang Committee on Good Government and Public Accountability sa Kamara de Reprentantes kahapon, sa pamumuno ni DIWA Rep. Michael Edgar Aglipay, hinggil sa umano’y kwestyunableng patakaran at polisiya ng Department of Health (DOH) at ng Food and Drug Administration (FDA), na nakakahadlang sa pamamahagi ng pampublikong serbisyo para sa kalusugan ng mamamayang Pilipino.


Sa kanyang pananalita, sinabi ni Aglipay na ang pagsisiyasat ay alinsunod sa inihaing House Resolution 1711 nina Speaker Lord Allan Velasco at Deputy Speaker Bernadette Herrera-Dy, bunsod ng dalawang circular mula sa mga naturang tanggapan ng pamahalaan na ipinalabas nang manalasa ang pandemya noong nakaraang taon.


Ang una ay ang DOH Department Memorandum No. 2020-0138 na nagpapatibay sa Philippine Society for Microbiology and Infectious Diseases (PSMID) Clinical Practice Guidelines of COVID-19 at ang pangalawa ay ang FDA Circular No. 2020-012 na hinggil naman sa patakaran ng pagrerehistro ng mga produkto ng gamot sa ilalim ng emergency use for COVID-19.


Ipinaliwanag ni FDA Director General Eric Domingo sa Komite, na sa panahon ng pandemya, ay bumuo ang ahensya ng ilang mekanismo upang maging madali para sa mga produkto na makukuha ng publiko.