Wednesday, April 28, 2021

-MANDATORY VACCINATION, IPINURSIGE NI REP. BARZAGA SA KONGRESO

Itinutulak ngayon sa Kamara de Representantes ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr. na gawing mandatory ang pagbabakuna para sa lahat ng mga Pilipinong ‘eligible’ o kuwalipikado na maturukan ng COVID-19 vaccine upang makamtan ang tinatawag na “herd immunity.”


Iminungkahi ni Barzaga sa House Bill 9252 na amyendahan ang Republic Act 11525 o ang COVID-19 Vaccination Program Act of 2021 upang matiyak na mababakunahan ang malaking bahagi ng populasyon ng bansa para sa target na herd immunity.


Ayon kay Barzaga, vice chairman ng House Committee on Health, kung gagawing mandatory ang pagbabakuna ay mas marami ang magiging ligtas laban sa COVID-19 na siya ring mithiin ng Department of Health (DOH).


Tinukoy sa panukala na magiging trahedya sa bansa kung may ligtas at epektibong bakuna ngunit marami naman ang ayaw magpaturok dahil sa takot o matinding pangamba.


Hindi na anya bago ang pag-oobliga sa vaccination law kahit sa ibang bansa lalo na kung ito naman ay ipapatupad para sa kapakanan ng nakararami.


Aniya, kinikilala naman ng Saligang Batas na higit pa ring mahalaga ang kalusugan ng ge­neral public kumpara sa karapatan ng indibidwal sa kalusugan.