Sa pagdiriwang ng National Women’s Month at International Women’s Day ngayong araw na ito, ika-8 ng Marso, pinarangalan ni Speaker Lord Allan Velasco ang mga kababaihan ng Pilipinas sa kanilang natatanging papel na ginagampanan sa pagpapatatag ng bansa sa gitna ng pandemyang dulot ng COVID-19.
Sinabi ni Speaker Velasco na sa nakalipas na taon, binago ng COVID-19 ang takbo ng mundo na nakaapekto sa ating lahat, ngunit ang epekto ng krisis ay mas lalong naging makabuluhan sa mga kababaihan.
Ayon sa kanya, habang patuloy nating hinaharap ang pinakamalalang krisis pangkalusugan sa henerasyong ito, sandali po tayong huminto, at ating parangalan ang lahat ng mga kababaihan dito sa ating bansa, sa kanilang katatagan at natatanging kontribusyon sa ating lipunan at sa buong bansa.
Sa ginanap na flag raising ceremony sa Batasang Pambansa noong ika-1 ng Marso, partikular na pinuri ni Velasco ang mga kababaihang namumuno, at mga kawani ng Mababang Kapulungan ng Kongreso, na malaki ang naging papel sa pagpapatakbo ng lehislatura, upang ang Kongreso ay patuloy na makapagpasa ng mga batas, na tumutugon sa mga pangangailangan ng mga mamamayan sa gitna ng pandemya.