Tiniyak kahapon ni House Speaker Lord Allan Velasco na ang liderato ng Kamara ay nagpapatupad ng mga pamamaraan upang matiyak na patuloy ang kaligtasan ng lahat ng indibiduwal na pumapasok sa HREP Complex.
Ito ay kanyang ipinahayag sa kauna-unahang pagkakataon ng pagdaraos ng Secretariat ng pisikal o face-to-face flag raising ceremony, simula ng manalasa ang pandemyang dulot ng COVID-19 sa bansa.
Bukod sa regular na pagsusuri ng Antigen sa mga mambabatas, mga kawani at mga bisita, ipinahayag ni Velasco na hindi lamang para sa mga kawani ang isasagawang programa sa bakuna sa Kamara, kungdi kabilang na dito ang kanilang mga pamilya.
Ayon sa kanya, batid umano niya ang mga alalahanin ng mga tao kung kaya’t sinisiguro daw niya na gagawin ng leadership ang lahat para mapanatag ang loob ng mga mamamayan sa pagpapabakuna.
Pinasalamatan ni Speaker Velasco ang kapwa niyang mga mambabatas sa pagpasa ng mga panukalang tumutugon sa pandemyang dulot ng COVID-19, kabilang na ang mga staff upang tiyakin na nagagampanan ng mga mambabatas ang tunay at tapat na paglilingkod sa sambayanang Pilipino.