Tuesday, March 16, 2021

-PANUKALANG MAGTATATAG NG PHILIPPINE ENERGY RESEARCH AND POLICY INSTITUTE, PASADO NA SA KAMARA

Pinuri ni House Speaker Lord Allan Velasco kahapon ang kanyang mga kapwa mambabatas sa pagkakapasa ng panukala na magtatatag sa Philippine Energy Research and Policy Institute na kanyang isinulong noong siya pa ang Chairman ng Committe on Energy.


Sa botong 208-0, at walang abstensyon, nagkakaisang ipinasa ng mga mambabatas sa ikatlo at huling pagbasa kahapon ang House Bill 8928 na tatawaging “Philippine Energy Research and Policy Institute Act.”


Sinabi ni Velasco na ang mungkahing institusyon ay tutulong upang pagdugtungin ang puwang sa pagitan ng pagsasaliksik at polisiya sa sektor ng enerhiya.


Panahon na daw para sa bansa na paunlarin ang pagpapatatag, pagpapanatili, abot-kaya at maaasahang suplay ng enerhiya sa pamamagitan ng paggamit ng pinakabagong pagsasaliksik at teknolohiya na mayroon upang matugunan ang lumalagong pangangailangan ng bansa sa enerhiya at ang matagalang hangarin sa pagpapaunlad ng administrasyong Duterte.


Bukod kay Velasco, mahigit 80 mambabatas ang lumagda bilang mga pangunahing may-akda ng panukala na nauna nang inaprubahan ng mga Komite.