Isa na namang miyembro ng Lakas-CMD o Lakas-Christian Muslim Democrats ang tinanggalan ng posisyon sa isa sa mga makapangyarihang komite sa Kamara.
Tinanggal bilang vice-chairman ng House Committee on Appropriations si Pampanga Rep. Juan Miguel ‘Mikey’ Arroyo na Executive Vice-President ng nabanggit na partido.
Ngunit sa kabila nito, nananatili pa rin si Arroyo bilang Deputy Majority Leader at chairman ng House Committee on Energy.
Bago kay Arroyo, naunang tinanggal bilang House Assistant Majority Leader ang mga kasama niya sa Lakas-CMD na sina Zamboanga Sibugay Rep. Wilter ‘Sharky’ Palma at Quezon City Rep. Anthony Peter ‘Onyx’ Crisologo.
Ang pagtanggal sa mga nabanggit na kongresista ay nauugnay naman sa umano’y ouster plot ng kampo ni House Speaker Lord Allan Velasco laban kay Lakas-CMD National President at House Majority Leader Martin Romualdez.