Friday, March 12, 2021

-MGA ESTABLISEMIYENTO, OBLIGADONG MAGLAAN NG STANDBY WHEELCHAIR PARA SA MGA PWDS

Ipinanukala sa Kamara de Representantes ang pag-oobliga sa lahat na mga pribado at pampublikong establisyemento na maglagay ng standby wheelchair na nakalaan para sa Persons with Disability (PWDs) at iba pang mamamayan na nangangailangan ng mga gamit na ito.


Nakasaad sa HB08436 ni Quezon City Rep. Anthony Peter "Onyx" Crisologo na ang proteksiyon sa karapatan at pangangalaga sa mga PWDs ay patuloy na nagiging pangunahing tungkulin ng estado.


Sinabi ni Crisologo na ipinanukala niya ito para mapangalagaan ang hanay ng mga PWDs sa pamamagitan ng pag-aatas sa lahat na mga pribado at pampublikong establisyemento na maghanda ng wheelchair para sa nabanggit na layunin.


Bukod sa mga PWDs, maaari ring gamitin ang wheelchair ng mga Senior Citizen at mga buntis kung sakaling magkaroon sila ng aberya. 


Binigyang diin ng mambabatas na ang kaniyang panukala ay pagtalima lamang sa ginagawang pagsisikap ng pamahalaan para magkaroon ng accessibility of services and mobility para sa lahat ng PWDs at iba pang indibiduwal na nangangailangan ng kahalintulad na tulong.