Magbibigay kapangyarihan sa Kongreso ang mga mungkahi na ilagay ang mga katagang “unless otherwise provided by law” sa mga mahihigpit na probisyong pang-ekonomiya ng Konstitusyon, na masuri at tayain ang mga kasalukuyang kadahilanan, bago matukoy ang mga kaalaman na mabuksan ang ilang sektor ng ekonomiya.
Sinabi ni AKO BICOL Rep. Alfredo Garbin Jr., Chairman ng Komite ng Constitutional Amendments, sa mga deliberasyon sa plenaryo, na sa kasalukuyan, kung papaano isinasaad sa Konstitusyon ang mga probisyong pang-ekonomiya, ay walang paraan lalo na sa usapin ng paghihigpit sa mga paglahok ng mga dayuhan.
Ipinaliwanag ng mambabatas na ngayon ay walang mangyayaring debate hinggil dito dahil ang mga paghihigpit ay minamandato ng ating batas at wala itong dadaanan kahit pag-usapan pa.
Sa Resolution of Both Houses Number 2 o RBH 2, maglalagay ang Kongreso ng pintuan, ngunit hindi ito awtomatikong bubuksan sa mga dayuhang mamumuhunan at hahayaan na silang kumatok – at nasa sa Kongreso ang pasya kung atin silang patutuluyin, kung naniniwala tayo na tayo ay makikinabang sa kanila.
Nagpasalamat si Garbin sa kanyang mga kapwa mambabatas, sa paglalahad nila ng usapin sa kaalaman, na magpapagaan sa mga probisyong pang-ekonomiya ng 1987 Konstitusyon, lalo na ang mga pumapabor at mga kumokontra sa pagpapaluwag ng ekonomiya.