Monday, March 08, 2021

-IMBESTIGASYON HINGGIL SA PAGPUPUSLIT NG MGA PRODUKTONG AGRIKULTURA SA BANSA, IPINAGPATULOY SA KAMARA

Ipinagpatuloy ng Committee on Ways and Means sa Kamara de Representantes, sa pamumuno ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda ang imbestigayon sa diumano’y pagpupuslit ng mga produktong agrikultura sa bansa.

Sa kanyang pambungad na pananalita, sinabi ni Secretary of Agriculture William Dar sa Komite na bilang isang bansang napapalibutan ng maraming isla ay may kahinaan ang Pilipinas sa mga aktibidad ng pagpupuslit ng mga kontrabando.


Ayon sa kanya, ang 17 pangunahing daungan sa bansa, 39 na subports at kalat kalat na hangganan sa Timog ay nagiging hamon upang ganap na isara ang bansa sa mga iligal na pag-aangkat.


Itinuturing na isang uri ng pananabotahe sa ekonomiya, sinabi ni Dar na ang pagpupuslit ng mga prutas, gulay, at maging mga produktong karne ay tinitingnan na simpleng paglabag lamang, subalit tunay itong mas malala pa sa pandarambong.


Ang matagal nang suliranin sa pagpupuslit ay naging sanhi ng matinding pagkalugi na nagkakahalaga ng bilyong piso sa ekonomiya dahil sa nawawalang kita sa buwis at labis na nakakaapekto sa kabuhayan ng mga lokal na magsasaka at mangingisda.