Tuesday, March 09, 2021

-MGA DATING OPISYALES NG DBP, INIMBITAHAN NG KAMARA HINGGIL SA USAPING PAGPAPATAWAD NG MGA UTANG NG PAMILYANG LOPEZ

Ipinagpatuloy ang pagdinig kahapon ng Committee on Good Government and Public Accountability sa Kamara na pinamunuan ni DIWA Rep. Michael Edgar Aglipay batay sa House Resolution 1040 na nananawagan ng imbestigasyon sa umano’y pagpapatawad ng utang ng Development Bank of the Philippines (DBP) na pumabor sa mga kompanyang kontrolado at may kaugnayan sa pamilyang Lopez.


Pormal na inimbitahan ng Komite ang mga dating opisyales ng DBP, na siyang nag-apruba sa pag-urong ng ilang sinisingil na butaw sa mga utang ng Lopez Holdings Corporation.


Dumalo si dating DBP President at CEO Remedios Macalincag at kanyang iginiit na walang naganap na pagpapatawad sa utang noong panahong siya ang namumuno sa bangko, mula 1998 hanggang 2002.


Idinagdag pa ni Macalincag na nanatili siyang propesyunal bilang pinuno ng DBP at tiniyak na ang mga pasya na kanyang ginawa ay walang impluwensya ninuman.


Binigyang-diin pa niya na inaaprubahan lamang ng bangko sa ilalim ng kanyang pamumuno, ang mga pautang sa mga may magandang katayuan.


Nang tinanong siya ni Aglipay kung bakit ang mga utang ng Lopez ay pinagkalooban ng ilang ekstensyon sa pagbabayad, sinabi ni Macalincag na “hindi ito kakaiba sa mga bangko.”


Samantala, tiniyak ni dating DBP Chairman Vitaliano NaƱagas II, na ang lahat ng usapin na tinalakay at inaprubahan ng board ay may kaakibat na memoranda.


Nang lumaon ay nagdaos ng executive meeting ang Komite upang imbestigahan pa ang ilang nangungunang may utang sa DBP na nakinabang sa Special Purpose Vehicle Act.       


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV