Tuesday, March 16, 2021

-AMNESTIYA SA MGA MIYEMBRO NG MGA REBELDENG GRUPO, TINALAKAY SA MAGKASANIB NA KOMITE

Sinimulan nang talakayin kagapon ng joint Committee on Justice na pinamunuan ni Leyte Rep. Vicente Veloso III, at Committee on National Defense and Security sa Kamara na pinamunuan naman ni Iloilo Rep. Raul Tupas, ang House Concurrent Resolutions 12, 13, 14 at 15.


Tinalakay ng mga komite ang panukala na inihain ni House Speaker Lord Allan Velaco na may layuning sumasang-ayon sa Proclamation Nos. 1090, 1091, 1092, at 1093 ng Pangulong Rodrigo Roa Duterte na maggagawad ng amnestiya sa mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), Moro National Liberation Front (MNLF), Rebolusyunaryong Partido ng Manggagawa ng Pilipinas/Revolutionary Proletarian Army/Alex Boncayao Brigade (RPMP-RPA-ABB), at mga dating rebeldeng Communist Terrorist Group (CTG).


Ito ang mga grupo na mga nagsagawa ng mga krimen na may kaakibat na kaparusahan sa ilalim ng Republic Act No. 3815 o ang Revised Penal Code, at mga espesyal na batas sa kanilang paniniwalang politikal.


Sinabi ni National Security Council Director Atty. Reynaldo Ola-a sa magkasanib na pagdinig, na ang inisyatiba ni Pangulong Duterte ay isulong ang kapayapaan at demokrasya sa bansa.


Nilinaw naman ni Presidential Adviser on the Peace Process Assistant Secretary Agripino Javier, na dapat ay mayroon lamang isang Amnesty Commission na magpapatupad ng lahat na apat na proklamasyon.


Idinagdag pa niya na dapat ding bumuo ng Local Amnesty Boards para sa mahusay na pagrerepaso at pag-apruba ng mga aplikasyon.