Tuesday, February 02, 2021

-PATULOY NA PAGTAAS NG PRESYO NG MGA BILIHIN, TINALAKAY SA ISANG ONLINE JOINT COMMITTEES

Magkasanib na tinalakay kahapon sa isang online hearing ng Committee of Agriculture and Food at ng Committee on Trade and Industry sa Kamara ang mga hakbang na isinasagawa ng Department of Agriculture o DA sa pagpapatatag ng presyo ng mga bilihin na patuloy na tumataas.


Ang pagdinig ay idinaos, isang araw matapos na ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa pamamagitan ng Executive Order 124, na nagpapahinto sa loob ng 60-araw ang pagtataas sa presyo ng mga piling karne ng baboy at manok sa National Capital Region (NCR).


Sinabi ni Committee on Trade and Industry Chairman Rep. John Reynald Tiangco sa kanyang pambungad na pananalita, na ang walang katiyakang presyo ng mga bilihin ay labis na nakakaapekto sa kalagayan ng mga Pilipino habang patuloy na nakikipaglaban sa pandemyang dulot ng COVID-19.


Ayon kay chairman Wilfrido Enverga ng Committe on Agricultulture and Food na tungkulin ng Kongreso, katuwang ng mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan, na tuloy-tuloy na talakayin at suriin ang mga tunay na kadahilanan kung bakit hindi mapigil ang walang humpay na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.


Tiniyak ng mga komite na ang Kongreso ay nakahandang makialam sa usapin upang matugunan ang kaganapan.


Iniulat ni DA Secretary William Dar sa hearing na ang mga natural na kalamidad noong nakaraang taon, magkakasunod na lockdown dahil sa pandemya, sunod-sunod na malalakas na bagyo at ang paglaganap ng African Swine Flu (ASF) ang labis na naka-apekto sa suplay ng pagkain, na dahilan ng pagtataas ng halaga nito.


Ayon sa Kalihim, inuuna ng kagawaran ang pagpaparami ng suplay sa lokal na produksyon kesa sa pag-aangkat ng pagkain, na para sa kanila ay “last option”, upang mabalanse ang suplay at pangangailangan sa pagkain.