Monday, February 01, 2021

-PAGGAWAD NG KAPANGYARIHAN KAY PRRD SA PAGSUSPINDE SA PAGTATAAS NG BAYAD SA PHILHEALTH AT SSS, APRUBADO NA

Aprubado na sa Kamara ang dalawang mahahalagang panukala na maggagawad ng kapangyarihan kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte na suspindihin ang nakatakdang pagtataas ng bayad sa kontribusyon ng mga miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at Socal Security System (SSS) sa panahon ng pambansang kagipitan tulad ng pandemyang dulot ng COVID-19.


Dahi dito, pinapurihan ni House Speaker Lord Allan Velasco ang kanyang mga kasamahang mambabatas sa mabilis nilang pagpasa sa mga naturang panukala.


Ipinasa ng Mababang Kapulungan sa ikatlo at pinal na pagbasa ang House Bills 8461 at 8512, na pangunahing iniakda Speaker Velasco.


Ang kambal na panukala ay nagbibigay ng pahintulot sa Pangulo sa pakikipag-ugnayan sa mga Kalihim ng Department of Health at ng Finance bilang mga ex-officio chairpersons ng Philhealth at SSS na suspindihin ang implementasyon ng nakatakdang pagtataas ng mga kabayaran sa kontribusyon sa panahon ng pambansang kagipitan, para sa kapakanan ng publiko kung kinakailangan.


Ang pagpasa ng naturang mga panukala ay tumagal lamang ng kulang sa isang buwan matapos na ihain ni Velasco ang dalawang panukala na inaasahang pakikinabangan ng may 30 milyong miyembro ng PhilHealth at 37.7 milyong miyembro ng SSS.