Nanawagan si Deputy Speaker Wes Gatchalian sa mga otoridad na tugisin ang mga nagbebenta ng pekeng COVID-19 vaccine online.
Ayon kay Gatchalian, dapat magkaroon ng crackdown laban sa mga unregistered vaccines na ibinebenta sa internet.
Diin nito, asahan naraw ng mga otoridad na maglilipana ang mga pekeng bakuna sa nakatakdang pagdating ng COVID-19 vaccine sa bansa.
Sinabi pa ng kongresista na ang mga pekeng bakuna na hindi aprubado ng FDA ay banta sa kalusugan ng tao kaya dapat masawata ang pagkalat nito.
Sa ngayon, ang mga bakuna pa lamang na gawa ng Pfizer-BioNTech at AstraZeneca ang tanging binigyan ng emergency use authorization ng pamahalaan para magamit sa vaccination program.