Tuesday, February 23, 2021

-DELIBERASYON SA AMYENDA SA PANG-EKONOMIYANG PROBISYON SA SALIGANG BATAS, UMARANGKADA NA SA PLENARYO

Sinimulan na kahapon sa Mababang Kapulungan ang deliberasyon sa panukalang amyenda sa mga mahihigpit na probisyon sa ekonomiya sa Konstitusyon, habang iginigiit ni AKO-BICOL Rep. Alfredo Garbin Jr., chairman ng Committee on Constitutional Amendments sa Kamara, ang magandang hangarin sa pagpapasa ng Resolution of Both Houses No. 2 (RBH 2), upang gawaran ang pamahalaan ng kalayaan na pagtibayin ang mga panulaka na magbibigay daan sa kaunlaran ng ating ekonomiya.


Sa kanyang sponsorship speech, binigyang-diin ni Garbin na karapat-dapat lamang umano para sa Kongreso na idagdag ang mga katagang “unless otherwise provided by law,” upang bigyan ang pamahalaan ng sapat na kakayahan na umangkop, upang ituring ang iba’t ibang kalagayan na umiiral sa iba’t ibang antas tungo sa landas ng kaunlaran ng ekonomiya, bago magbalangkas ng mga polisiya na angkop sa panahon.


Iginiit ni Garbin na ang kalagayan ng ekonomiya ay hindi kailanman pirmihan o permanente, gayundin ang mga pangunahing batas, na dapat ay malaya sa pagpigil sa kahigpitan.


Bagama’t ito ay dapat na nasusulat, dagdag pa ng mambabatas, hindi ito dapat na hubad sa nilalaman ng kakayahan para umangkop.


Ayon kay Garbin, ipinunto ng mga tagamasid na ang mga mahihigpit na probisyon ng ekonomiya sa Konstitusyon ay napatunayang sagabal, imbes na nakakatulong sa bansa, dahil nililimitahan nito ang daloy ng foreign direct investments.