Tuesday, February 02, 2021

-DEBATE SA PLENARYO NG AMIYENDA SA SALIGANG BATAS, AARANGKADA NA

Matapos na pagtibayin kahapon sa House committee on constitutional amendments sa boto na 63 - 3 at tatlong abstention ay aarangkada na sa plenaryo ng Kamara ang pagtalakay Resolution of Both Houses No. 2 o RBH No. 2 na naglalayong amyendahan ang  restrictive economic  provisions sa ilalim ng 1987 constitution. 


Sinabi ni AKO BICOL PARTYLIST Rep. at committee chairman Alfredo Garbin Jr. na target nilang maisalang ang RBH 2 sa plenaryo ng Kapulungan sa kalagitnaan ng kasalukuyang buwan para sa mga gagawing debate. 


Matatandaang lumagda ng manifesto ang mga lider ng mga major political parties at blocs sa Kamara para suportahan ang panawagan ni Speaker Lord Allan Velasco na amiyendahan ang economic provisions ng Konstitusyon. 


Kabilang sa mga pumirma sa 'manifesto of support' ang walong mga liders na sina Majority Leader Martin Romualdez ng LAKAS-NUCD, Deputy Speaker Salvador Doy Leachon ng PDP-LABAN, Rizal Rep. Michael John Duavit ng Nationalist People’s Coalition (NPC),  Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ng Nacionalista Party (NP), at Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr, ng National Unity Party (NUP). 


Kasama rin sa lumagda sina Davao City Rep. Isidro Ungab ng Hugpong ng Pagbabago, Deputy Speaker at 1-PACMAN Rep. Michael Mikee Romero ng Party-list Coalition Foundation Inc., at Aurora Rep. Rommel Rico Angara na kumakatawan sa independent bloc.