Thursday, January 28, 2021

-SENADO HINIMOK NI VELASCO NA MAGPASA RIN NG WASTE-TO-ENERGY BILL

Hinimok ni House Speaker Lord Allan Velasco ang Senado na magpasa ng panukala na naglalayong gumamit ng teknolohiya ng waste-to-energy (WTE) upang malutas na ang matagal nang problema sa basura ng bansa.


Sinabi ni Velasco na panahon na upang ituring ng pamahalaan ang paggamit ng teknolohiya ng WTE sa pagtrato at pagdispatsa ng mga basura dahil darating ang araw na maraming tambakan sa bansa ang mapupuno na.


Punto pa ni Velasco na ang malaking bulto ng basura na ating itinatapon ay nagiging banta na sa mga tambakan, na kalaunan ay magdadala sa atin ng malaking suliranin sa basura. 


Bago daw ito mangyari ay dapat na tayong maghanap ng malinis na paraan na makakapagsustine sa pagtatapon natin ng basura, tulad ng WTE.


Nauna nang inaprubahan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 7829 o ang “Waste Treatment Technology Act” noong nakaraang Nobyembre 2020.