Lumagda ang iba’t ibang lider ng mga partido politikal sa Kamara de Representantes sa isang manipesto na sumusuporta sa panawagan ni Speaker Lord Allan Velasco na pagaanin ang mga probisyong pang-ekonomiya sa 1987 Saligang Batas upang tulungan ang bansa na makaahon sa pananalasang idinulot ng pandemya sanhi ng coronavirus.
Sa naturang manipesto, nangako ang mga lider ng Kamara na kanilang tatalakayin sa deliberasyon ang mga probisyong pang-ekonomiya lamang na nakasaad sa Resolution of Both Houses (RBH) No. 2 na inihain ni Velasco na kasalukuyan ngayong tinatalakay sa Komite ng Constitutional Amendments sa Kamara.
Ang mga lider ng ibat ibang partido politikal sa Kamara na lumagda sa manipeto ay sina Majority Leader at Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez para sa Lakas-NUCD, Deputy Speaker at Oriental Mindoro Rep. Salvador Leachon para sa Nationalist People’s Coalition
Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers para sa Nacionalista Party, Cavite Rep. Elpidio Barzaga, Jr. para sa National Unity Party, Davao City Rep. Isidro Ungab para sa Hugpong Pagbabago, Deputy Speaker at 1-PACMAN Rep. Michael Romero para sa Party-list Coalition Foundation, Inc., at Aurora Rep. Rommel Rico Angara para sa independent bloc.
Ayon sa mga lider, mananatiling naninindigan sila sa kanilang posisyon na kapag ipinanukala na ng Kongreso ang amyenda sa 34 na taong-gulang na Saligang Batas, ay magkahiwalay na pagbobotohan ito ng Mababang Kapulungan at ng Senado.
Ang panukalang amiyenda ay isusumite sa sambayanan para sa ratipikasyon, kasabay ng pambansang halalan na idaraos sa Mayo 2022, anila.