Sa kamay ng mga mamamayan nakasalalay ang pagpapasya sa pag-aamiyenda sa Saligang Batas, ito ay ayon sa Chairman ng Committee on Constitutional Amendments sa Kamara de Representantes, na kasalulukuyang nagdaraos ng pagdinig sa mga panukalang amiyenda sa mga mahihigpit na probisyon sa ekonomiya ng Konstitusyon.
Ayon kay AKO Bicol Party-list Rep. Alfredo Garbin Jr., dapat lamang maunawaan ng publiko na sa pinal na pag-aanalisa, ang taumbayan naman talaga ang may pagmamay-ari ng Konstitusyon, dahil kahit na anupaman ang aprubahan sa Komite at sa plenaryo, ay mananatiling panukala lamang ang mga ito hangga’t hindi ito niraratipikahan ng sambayanang Pilipino sa pamamagitan ng plebisitong ipatatawag para sa naturang layunin.
Dagdag pa ni Garbin kung hindi naman naratipikahan, wala rin daw mangyayari doon sa mga panukala dahil mananatili lamang itong panukala.
Binigyang diin ng Chairman ng Komite na ang panukalang amiyenda sa Konstitusyon ay limitado lamang sa mga probisyon sa ekonomiya na nakasaad sa Resolution of Both Houses No. 2.
Nilinaw ng mambabatas na kapag naratipikahan na ang amiyenda sa Konstitusyon ay hindi ito magreresulta sa otomatikong pagpapagaan ng mga paghihigpit sa ekonomiya, kundi igagagawad sa susunod na Kongreso, o sa 19th Congress, ang kalayaan na magsabatas na tutugon sa kalagayan ng ekonomiya ng bansa.