Balik-sesyon na ang Kamara de Representantes ngayon at nangunguna sa agenda ang mga panukala na may kaugnayan sa pagtugon sa COVID-19 tulad ng bakuna.
Layon ding pabilisin ang pag-apruba sa 34 na priority measures, kabilang na ang dalawang panukala ni House Speaker Lord Allan Velasco, na maggagawad ng kapangyarihan kay Pangulong Rodrigo Duterte na isuspindi ang nakatakdang pagtataas ng kabayaran sa kontribusyon ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) at Social Security System (SSS) sa panahon ng pambansang kagipitan.
Nauna nang inatasan ni Velasco ang Committee on Health sa Kamara na simulan ang pagdinig sa pambansang COVID-19 Vaccine Roadmap, at ang pagka-epektibo ng mga bakuna na nakatakdang ipairal sa buong bansa.
Nais ng pinuno ng Kamara na matiyak na ang bilyon-bilyong pisong inilaan para sa pagbabakuna ay magagamit ng wasto sa pagbili ng mga pinaka-epektibo at pinakaligtas na bakuna laban sa COVID-19.
Matatandang na naglaan ng P72.5-bilyon ang Kongreso para sa pambili, pag-iimbak, transportasyon at pamamahagi ng bakuna para sa COVID-19, sa ilalim ng 2021 General Appropriations Act na nilagdaan ni Pangulong Duterte noong ika-28 ng Disyembre 2020.