Inudyok ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang mga nag-iimbestiga na bigyang prayoridad at ituon ang kanilang pagsisiyasat sa pag-identify at pag-prosecute sa smuggler at ang kanyang mga kasabwat sa Bureau of Customs o BoC sa pag-puslit ng hindi rehistradong China-made anti-Covid19 vaccines na kasalukuyang ibinibenta sa drug market ng bansa.
Sinabi ni Barbers, chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, na ang smuggler ng diumano’y isang Chinese-state-owned pharmaceutical company ay maaaring siya rin ang napaulat na nag-donate ng naturang gamot sa may 300 mga miyembro ng Presidential Security Group PSG na diumano’y binakunahan nito.
Ayon kay Barbers, ang National Bureau of Investigation NBI na siyang investigating arm ng Department of Justice DOJ ay dapat mag-focus sa kanilang imbistegasyon sa pagtukoy at pag-usig sa smuggler at mga BOC cohorts nito na nag-puslit ng Sinopharm vaccines sa bansa.
Kung matukoy na ng NBI ang tunay na sirkumstansiya sa likod ng illigal na importasyon ng bakuna, malamang ay merong mga tao na kumita ng limpak-limpak na salapi at naloko ang sambayanan at ang pamahalaan sa gitna ng pandemya na ating kinakaharap sa kasalukuyan.
Sa parte naman ng PSG, pinapurihan ni Barbers ang naging pasya nito na magpa-bakuna ang mga ito bilang mga frontliner sa pag-secure at safety ng Presidente sa posibleng pagka-hawa nito sa Covid-19.