Kahit pa bumaba na ang mga kaso ng COVID-19 sa bansa ay hindi nagpapa-kumpyansa ang Mababang Kapulungan laban sa coronavirus sa gitna ng bagong banta sa mas nakakahawang variant nito.
Sinabi ni House Secretary General Mark Leandro Mendoza na ang pagkakatuklas sa bagong variant ng COVID-19 ang nag-udyok kay Speaker Lord Allan Velasco na magpalabas ng kautusan sa mas mahigpit na pagpapatupad ng health at safety protocols sa loob ng Batasang Pambansa Complex sa Lungsog ng Quezon, kahit pa bumaba ang bilang ng mga nagpopositibo sa Kapulungan sa ikatlong bahagi, batay sa resulta ng pangalawang malawakang pagsusuri na idinaos sa mga mambabatas at mga kawni ng Kamara, simula ika-18 hanggang ika-27 ng Enero ngayong taon.
Ayon kay Mendoza, kapansin-pansin ang pagbaba ng bilang ng mga kaso ng coronavirus sa Kamara, subalit dahil sa bagong strain ay hindi natin ito ipagwawalang-bahala.
Idinagdag pa ng opisyal na sinabi umano Speaker Velasco na dapat ipagpatuloy at pag-ibayuhin ang pagsisikap ng Kamara na mahinto ang paglaganap ng COVID-19, lalo na ngayong kumakalat na sa bansa ang natuklasang bagong variant ng coronavirus.