Nais ng House Committee on Health na alamin sa Lunes, sa idaraos na public hearing nito hinggil sa pagbabakuna ng pamahalaan para sa COVID-19, ang tunay na halaga ng mga binibiling bakuna, kabilang na ang pagkakaroon ng suplay nito na mabibili para sa mga mamamayan.
Sinabi ni Committee Chair at Quezon Rep. Angelina Tan na aalamin ng Komite ang tunay na halaga ng mga bakuna sa isang executive session, dahil aniya sa ipinahayag ng mga opisyal na may umiiral na kasunduan na lihim ang pag-uusap sa pagitan nila ng mga gumagawa ng bakuna.
Mayroon kasing mga ulat na ang bakunang gawa ng Sinovac ay mas murang nabili ng Indonesia, kesa sa halagang iniulat na pagkakabili nito ng Pilipinas.
Sinabi ni Tan na mahalaga umanong malaman nila kung ang mga binibiling bakuna ay wasto ang halaga, at kung ligtas at epektibo ba ang mga ito.
Nais din nila umanong alamin kung ang mga Pilipino ba ay may karapatang pumili at bumili ng sarili niya at mas gusto niyang bakuna sa sarili niyang pera, at kung magkano ang mga ito kung ito ang kanilang pipiliin.