Hinimok ni BHW Partylist Representative Angelica Natasha Co ang lahat ng airlines, na may direkta at connecting flights papunta at mula United Kingdom, na boluntaryong itigil ang kanilang mga biyahe.
Ito ay bunsod na rin ng pagkakadiskubre at pagkalat ng bagong variant ng COVID-19, na 70 percent na mas mabilis makapanghawa.
Sinabi ni Co na dapat masakop ng travel ban mula sa United Kingdom ang lahat ng airlines at lahat ng pasahero na galing UK, kabilang ang mga Pilipino para sa kapakanan ng mga pasahero at maging ng kanilang mga crew.
Naniniwala din ang mambabatas, na may moral responsibility ang bansa na pigilang bumiyahe ang mga posibleng carrier ng COVID-19 virus mula sa Pilipinas.
Sa kasalukuyan, batay sa ulat ng UK officials, hindi bababa sa 1,000 bagong kaso ng bagong variant ang naitala sa England.