Pinuri ni House Speaker Lord Allan Velasco ang desisyon ng pamahalaan na isama sa final version ng P4.506-trillion 2021 national budget ang probisyon na gawing abot-kaya ng mga pasyente ang programa sa serbisyong pangkalusugan ng pamahalaan para sa pagkontrol ng sakit na kanser.
Sinabi ni Velasco na P620-milyon ang inilaan ng Kongreso para sa implementasyon ng Republic Act 11215 o ang National Integrated Cancer Control (NICC) Act of 2019, na sasagutin ng pamahalaan ang gastos sa paghadlang, paglunas at mga gamot sa ilalim ng programa na pangangasiwaan ng Department of Health (DOH).
Sa pamamagitan ng pondong ito, magagawaran na ng gobyerno ang mga pasyenteng may kanser ng mas maayos na serbisyo, at mas tumutugon na abot-kayang programa sa pangkalusugan.
Pinasalamatan ni Speaker Velasco ang mga mambabatas na kasapi sa bicameral conference committee, na pinamunuan ni ACT-CIS Party-list Rep. Eric Yap, upang matiyak na ang NICC ay mapopondohon sa ilalim ng 2021 na pambansang badyet.
Kasama sina Yap at Davao City Rep. Paolo Duterte, nauna nang nangako si Velasco na titiyakin niya, na may nakalaang sapat na pondo sa 2021 badyet upang tulungan ang mga pasyenteng may kanser.
Binanggit ni Duterte, na ang butihing ina niya ay isang kanser survivor at ngayon ay isa sa mga nagsusulong ng adbokasya ng breast cancer, na kinakailangang iprayoridad ang mga pangangailangan ng ating mga kababayan, lalo na ang mga walang sapat na kita o walang kakayahan upang labanan ang kanilang mga karamdaman.