Monday, December 28, 2020

-PINAPURIHAN NI SPEAKER VELASCO ANG PAGKAKALAGDA NI PRRD SA 2021 NATIONAL BUDGET

Pinapurihan ni House Speaker Lord Allan Velasco si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagkakalagda nito bilang ganap na batas kahapon sa makasaysayang P4.506-trillion national budget para sa taong 2021.


Inilarawan ni Speaker Velasco ang 2021 General Appropriations Act (GAA) bilang isang “all-important measure” na tutugon sa kasalukuyang COVID-19 pandemic na kinakaharap ng bansa na matinding puminsala sa ating ekonomiya at mga buhay ng milyun-milyong mga Filipino sa buong kapuluan ng bansa.


Sinabi ng Speaker sa isang pahayag na ang P4.506-trillion national budget na inaprubahan ng Kongreso ay ang pinaka-malaking paglalaan sa kasaysayan ngunit ito naman ang maglalagay sa magandang posisyon ng bansa upang labanan ang public health crisis at upang makabangon ang bansa sa matingding epekto nito sa mga mamamayan.


Idinagdag pa ng Lider ng Kamara na ito rin ay isang repleksiyon ng seryosong commitment at malakas na resolusyon ng pamahalaan na talunin ang virus at ibalik ang ekonomiya ng bansa sa dati nitong estado.