Thursday, December 03, 2020

-Panukalang magbibigay-proteksiyon sa mga dayuhang turista, aprubado na sa Kamara

Inaprubahan na kahapon (dec 2) ng Committee on Tourim sa Kamara, sa pamumuno ni Laguna Rep. Sol Aragones, ang substitute bill sa apat na panukala na naglalayong bigyan ng proteksyon at pinag-ibayong serbisyo ang mga turista.


Ang tinalakay na mga panukala ay iniakda nina Reps. Juan Miguel Macapagal Arroyo, Jake Vincent Villa, Alfred Vargas at Francisco Jose Matugas II.


Pinangunahan ni Bohol Rep. Edgar Chatto ang technical working group o TWG na bumalangkas sa panukala, na nagsabing ginamit nila bilang working template ang HB 4839 ni Matugas sa kanilang pagpupulong.


Sa paliwanag ni Matugas sa kanyang bill, sinabi niya na layunin ng panukala na tugunan ang mga pag-aalinlangan ng mga turista na nagnanais bumisita sa bansa, sa mga usapin hinggil sa kakulangan ng mga mapagkakatiwalaang pasilidad ng telekomunikasyon, ang pananaw na ang bansa ay hindi ligtas na lugar para sa mga turista, at mga balitang pinagkakakitaan umano ng husto ng mga lokal ang mga turista.


Ayon kay Aragones, ang substitute bill ay mag-aamiyenda sa Republic Act 9593 o ang “Tourism Act of 2009.”


Sinabi ni Chatto na layon ng substitute bill na magtatag ng Tourist Protection and Enhanced Services Inter-Agency Task force na pamumunuan ng Kalihim ng Kagawaran ng Turismo.


Kasama sa itatatag na task force ay ang DILG, DPWH, DOJ, DOH, DOTr, DICT at PNP.


Ilan sa mahahalagang tampok sa substitute bill ay ang mga uniform standards on signage, directional signage in tourism facilities, mga materyales sa travel at information, toll free telephone assistance system na pangangasiwaan ng mga multi-lingual operators, internet services, mga hakbang na magpoprotekta sa mga turista para maiwasan ang krimen at pananakit, sistema sa paghahain ng reklamo, mga hakbang upang maiwasan ang paggamit ng mga ipinagbabawal na gamot sa mga establisimyentong pang turismo, pagtatatag at operasyon ng mga pasilidad sa pangkalusugan sa mga destinasyon ng mga turista, at ang pagpapaunlad ng mga impormasyon at pasilidad ng komunikasyon sa mga destinasyon ng mga turista.            


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

#LAVanPilipinas