Sa paggunita nating mga Pilipino ngayong araw na ito ng kamatayan ng ating mahal na pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal, sinabi ni House Speaker Lord Allan Velasco na ito ay isa sa pinaka-makahulugang araw sa ating kalendaryong nasyunal.
Ang pagbitay sa kanya noong taong 1896, ayon pa kay Velasco, ay ang naghudyat ng pagsisimula ng rebolusyong pakikidigma, na siyang nagwakas sa mahigit na tatlong daang taon na pananakop sa ating bansa ng mga Kastila.
Sinabi ng Speaker na kinilala si Rizal bilang isang napakatalinong Pilipino, na tunay na nagmahal sa ating bansa, kinakatawan niya ang pambansang halimbawa ng pagmamalaki, kahusayan at pagkamakabayan.
Idinagdag pa ni Velasco na kahit pa lumipas na ang 124 na taon ay nananatili pa ring makabuluhan para sa sambayanan ang mga prinsipyo at impluwensya ni Rizal sa kasalukuyan.
Giit pa ni Speaker Velasco na habang ating ginugunita ang mahalagang araw na ito sa ating kasaysayan, nawa’y magsilbi umanong inspirasyon sa ating lahat ang mga sakripsyo at kabayanihan ni Dr. Rizal, sa gitna ng pinakamalubhang krisis pangkalusugan ng ating panahon.
Dagdag pa niya na nawa’y ang kabayanihan ni Rizal ay maging gabay natin upang makaahon sa pandemyang ito, at maipagpatuloy natin ang ating pagsisikap para sa mas magandang buhay, para sa ating kasalukuyan at hinaharap na henerasyon ng mga Pilipino.