Monday, December 07, 2020

-KAUNA-UNAHANG VIRTUAL FLAG RAISING CEREMONY SA KAMARA, IDINAOS KASABAY NG PAGDIRIWANG NG LINGGO NG KARAPATANG PANTAO

Idinaos ngayong araw (dec 7) sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang kauna-unahang virtual flag raising ceremony, simula nang ipatupad ang lockdown noong buwan ng Marso dahil sa pandemyang dulot ng COVID-19.


Pinangunahan ng Committee on Human Rights sa Kamara na pinamumunuan ni Quezon City Rep. Jesus “Bong” Suntay ang seremonya at pagsisimula ng isang linggong pagdiriwang ng “Human Rights Consciousness Week.”


Bilang paggunita sa pagdiriwang na may temang “Recover Better, Stand Up for Human Rights: We Heal as One,” tinuran ni House Speaker Lord Allan Velasco, ang kahalagahan ng paniniguro sa karapatang pantao ng lahat ng mamamayan.


Sinabi ni Speaker Velasco na sa araw na iyon, sila ay nagsama-sama bagama’t sila ay magkakalayo.


Nagkakaisa umano sila upang itaguyod ang isang mas magandang daigdig.


Noong taong 1948 daw, mula sa abo ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ay pinagtibay ng United Nations General Assembly ang Universal Declaration on Human Rights, at ito ang nagbigay-diin sa kahalagahan ng paggagawad ng karapatang pantao sa lahat ng mga mamamayan.


Ito rin daw ang naging simula ng pagdiriwang ng Human Rights Day tuwing ika-10 ng Disyembre,” ani Speaker.


Ang paggunita sa Human Rights Consciousness Week ay alinsunod sa Republic Act 9201, upang pukawin ang kamalayan ng mga mamamayan sa pangunahing karapatang pantao, gayundin upang isulong ang kultura ng karapatang pantao para sa pagpapanatili ng kaunlaran ng bansa.




Samantala, sinabi ni Suntay na noong ika-10 ng Disyembre 1948 sa Paris, France, ang Universal Declaration of Human Rights na nagpapabilang sa pagsusulong ng pandaigdigang respeto at paggunita sa karapatang pantao at pangunahing kalayaan, na isinasaad sa 30 Artikulo, ay pinagkaisa ang 40 Miyembro ng UN General Assembly.


Sinabi ni Suntay na ang mga panahong iyon, na winasak ng kalupitan at pagpapahirap ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang kaisa-isang manipesto na nagbigay ng pag-asa, kapayapaan at pagkakasundo sa pagitan ng mga bansa.


Gayundin, sinabi ni House Secretary General Mark Llandro Mendoza na ang bawat tao ay may karapatan sa pangunahing dignidad, pantayna karapatan na mamuhay at pakikipagkapwa, pantay na pakikitungo hinggil sa antas ng pamumuhay sa lipunan at kultura, karapatan sa pamamahayag, karapatan na mapakinggan, mapangalagaan, at karapatan bilang isang tao na may pamilya, lipunan at mundo.


Sa panahon ng kahirapang dinaranas, hindi lamang sinusuong ng mga tao ang usapin sa kalusugan dahil sa pandemya, sinabi niya na ang buong bansa, kabilang na ang mga lokal na pamahalaan, mga pribadong kompanya, at mga institusyon ay nagsusulong ng pisikal, mental at emosyonal na kahusayan ng mga Pilipino.


Aabot sa 1,000 opisyales at kawani ng Kamara ang dumalo sa idinaos na flag raising ceremony sa pamamagitan ng Zoom, habang ang iba naman ay nanood sa FB livestream.                


#SpeakerLordAllanVelasbco

#SpeakerLAV

#LAVanPilipinas