Malugod na tinanggap ni House Speaker Lord Allan Velasco ang desisyon ng Manila Electric Cooperative (MERALCO), na palawigin ang kanilang polisiya na - walang mapuputulan ng kuryente hanggang sa ika-31 ng Enero 2021, dahil sa hindi nabayarang konsumo.
Ang desisyon ay dahil na rin sa kanyang pakiusap sa kompanya, upang mabigyan pa ng panahon ang mga konsyumer, at para na rin sa diwa ng bayanihan sa gitna pandemyang dulot ng COVID-19.
Sinabi ng House Speaker na ang ekstensyong ibinigay sa ating mga kapwa Pilipino ngayong panahon ng kapaskuhan, ay magbibigay kaginhawahan sa mga labis na naapektuhan ng pandemya at mga natural na kalamidad.
“Ang mabuting hakbang na ito ng Meralco ay malayo ang mararating upang matulungan ang ating mga kababayan na maramdaman ang seguridad,” dagdag pa niya.
Nauna rito, lumiham si Speaker Velasco kay Meralco President Ray Espinosa, na nakikiusap sa kompanya na palawigin ang kanilang polisiya, na walang putulan ng kuryente sa panahon ng kapaskuhan hanggang sa katapusan ng Enero 2021.
Ayon kay Velasco, ang ekstensyon ng panahon na walang putulan ng kuryente ay makakatulong sa mga kostumer ng Meralco na maharap ang mga pagsubok dulot ng pandemya.
“Pinasasalamatan natin ang Meralco sa pagbibigay ng ekstensyon, tulad ng nauna na ninyong ibinahagi noong kasagsagan ng pambansang lockdown, at ating inaasahan na paiiralin ninyong muli ang konsiderasyon ngayong kapaskuhan,” ani Velasco sa kanyang liham sa Meralco noong ika-30 ng Nobyembre 2020.
Sa kanyang tugon sa liham, ipinaabot ni Espinosa kay Velasco na matapos ang “maingat na pagsusuri at konsiderasyon” sa kanyang kahilingan, ay pumayag ang Meralco na palawigin ang polisiya ng walang putulan ng kuryente mula ika-31 ng Diyembre 2020 hanggang ika-31 ng Enero 2021.
Sinabi ni Espinosa na ang pagpapalawig ay pakikinabangan ng tatlong milyong kostumer na kumunsumo ng mas mababa sa 200 kilowatt kada oras sa buwan ng Disyembre 2020.
Ang bilang ay kumakatawan sa 47 porsyento ng kabuuang kostumer ng Meralco, ayon pa kay Espinosa.
Pinasalamatan ni Velasco si Espinosa sa “pagpapamalas ng diwa ng bayanihan at pagdamay sa kalagayan ng ating mga mahihirap na kababayan.”
“Ito ang tanging paraan upang mapaglabanan natin ang nararanasang hirap sanhi ng pandemya, ang pagkakaisa at pagtutulungan ng ating mga pinuno mula sa pribado at pampublikong sektor, upang guminhawa ang buhay,” ani Velasco.
#SpeakerLordAllanVelasco
#SpeakerLAV
#LAVanPilipinas