Tuesday, December 01, 2020

-Belgica, dapat maglabas ng ebidensya laban sa korap na mga kongresista — Defensor

Hinamon ni Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor si Presidential Anti-Corruption Commission o PACC Commissioner Greco Belgica na patunayan na may kaugnayan sa korapsyon ang ilang kongresista o manahimik nalamang.


Matatandaan na nasa labindalawang kongresista ang umanoy kasama sa corrupt list na ibinigay ni Belgica kamakailan kay Pangulong Duterte.


Ayon kay Defensor, ito na ang ikalawang pagkakataon na nagpasaring si Belgica sa mga kongresista subalit hindi naman pinapangalanan dahil walang sapat na ebidensya.


Diin ni Defensor, kung walang pruweba ang PACC laban sa kanila sa kamara ay mabuting manahimik nalamang ito o magsampa nalamang ng kaukulang kaso sa korte.


Punto pa ni Defensor, hindi trabaho ni Belgica ang pag-atake gamit ang trial by publicity kundi ang pagkalap ng ebidensya at paghahain ng kaso laban sa mga korap na opisyal ng gobyerno.


Sa ginagawa aniya ni Belgica, lahat silang kongresista ay nasisiraan sa publiko na ang dating ay silang lahat sa kamara ay korap.