Pinangunahan ni House Speaker Lord Allan Velasco nitong Martes ang pagsasailalim sa RT-PCR testing para sa mga kawani ng Kamara na papasok sa kani-kanilang tanggapan, upang matiyak ang kaligtasan ng bawat isa sa loob ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ng Pilipinas, sa paglaban sa COVID-19.
Sumailalim sa RT-PCR test si Velasco sa isa sa mga swab booth na itinayo bilang pasilidad sa pagsusuri na nasa Badminton Court ng HRep Sports and Fitness Center bilang panimula.
Maging ang mga mambabatas na dadalo sa sesyon ng Kongreso ay kinakailangan sumailalim sa naturang tests.
Ang mga may resulta na ng nabanggit na tests sa loob ng 48 oras ay pahihintulutan nang makapasok sa loob ng Kamara.
Ang mga RT-PCR tests ng mga miyembro ng Cocolife HealthCare ay babayaran ng nasabing HMO, samantalang ang mga hindi miyembro ng HMO ay babayaran naman ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Ayon kay BH Party-list Rep. Bernadette Herrera-Dy na tumulong sa pag-oorganisa ng proyekto, lahat ng mga bibisita sa Kamara ay kinakailangang sumailalim sa pagsusuri sa pamamagitan ng antigen testing.
Idinagdag pa ng mambabatas na hangga’t maaari ay dapat lilimitahan ang mga bisita na papasok sa loob ng Kamara at ang mga forms tulad ng standard Health Declaration Form (HDF) at Case Investigation Form (CIF) ay dapat na sagutan at isumite sa pamamagitan ng online.
Ngayong Miyerkules, sinabi ni Herrera-Dy na 200 kawani ng Kamara ang sasailalim sa pilot test.
Nakipagpulong si Herrera-Dy ng makailang ulit kina House Secretary-General Atty. Jocelia Bighani Sipin, Mr. Julius Gorospe, kasama si Executive Director Atty. Roentgen Bronce mula sa tanggapan ng Speaker, upang masimulan ang pilot test. Bukod sa implementasyon ng RT-PCT testing, naglagay din ang Kamara ng mga makina para sa disinfection sa lahat ng entrada ng ibat ibang gusali ng Kongreso tulad ng North Wing, South Wing, Mitra Building at South Wing Annex.
Bukod din dito ay ginawang pansamantalang Pasilidad ng Immigration para sa testing ang badminton court para sa lahat ng mga papasok sa loob ng Kamara. Sinabi ni Herrera-Dy na ang lahat ng mga pag-iingat na ito para sa kalusugan ay inisyatiba ni Speaker Velasco.
“Ibat ibang organisasyon ang nagtulungan sa paglalagay ng pasilidad tulad ng Department of Health na nagtalaga ng swabbers at naglagay ng swab booths at test kits; Ang Manila Health Tek ang magpo-proseso ng resulta para sa RT-PCR tests; Accudetek ang nakatalaga sa antigen tests; Radius ang magsasaayos ng koneksyon ng internet sa Kamara; Red Core IT Solutions para sa software development; at pag-iisahin ng HWL, Inc. ang buong sistema,” ani Herrera-Dy.
Lahat ng kawani ng Kamara ay bibigyan ng QR codes para naman sa contact tracing sa loob ng Kongreso. “Ang layunin ay magkakaroon ng Immigration Center kung saan ay lahat ng kawani ng Kamara ay dadaan sa pagsusuri at health protocols upang patuloy na matiyak na ang bawat isa na nasa loob ng Kongreso ay ligtas,” paliwanag niya pa.
Ang proyekto ay pinagtulungang isakatuparan ng Office of the Speaker, Medical and Dental Service, Information and Communications Technology Service, Legislative Security Bureau at ng Engineering and Physical Facilities Department.
#SpeakerLordAllanVelasco
#SpeakerLAV
#LAVanPilipinas