Inaprubahan na ng Committee on Transportation sa Kamara ang House Bill 3391 o ang panukalang “Drag Racing Ban Act” na inihain ni Quezon City Rep. Precious Hipolito-Castelo.
Layunin ng panukala na ipagbawal ang karera ng mga sasakyan sa mga pampublikong lansangan at patawan ng mabigat na parusa ang mga lalabag dito.
Sinabi ni Hipolito-Castelo na hindi nakakatulong ang karera sa lipunan bagkus ito ay nakaka-perwisyo pa at nakaka-paminsala sa mga kagamitan, tao at mga komunidad habang ito ay nagdudulot din ng polusyon sa ingay.
Ngunit iminungkahi ni Committee Vice-Chair at RAM Party-list Rep. Aloysa Lim, bilang amiyenda sa bill, na palawigin ang batas sa pamamagitan ng pagsasailalim ng regulasyon imbes na ipagbawal ang drag racing.
Sa pamamagitan nito, ani Lim, ay masasakop ang parehong legal at illegal drag racing.
Samantala, sinuportahan naman ni Land Transportation Office (LTO) Assistant Secretary Edgar Galvante ang panukala at kanyang iminungkahi na gawaran din ng kapangyarihan ang Department of Interior and Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP) at ang mga lokal na pamahalaan sa implementasyon kapag naisabatas na ang panukala.
Ang pagdinig ay pinamunuan ni Committee Chair Rep. Edgar Mary Sarmiento.
#SpeakerLordAllanVelasco
#SpeakerLAV
#LAVanPilipinas