Tuesday, November 17, 2020

-Panawagan para sa karagdagang tulong at pagtugon sa climate change, batay sa siyensiya, mga paksa sa privilege speech ni Rep Inno Dy

Dahil sa mapaminsalang bagyo na Rolly at Ulysses na nanalasa sa halos lahat na bahagi ng Luzon ay hiniling ni Isabela Rep. Faustino Dy V sa kanyang privilege speech kahapon (16 Nov) sa liderato ng Kamara sa plenaryo, na ituring ang karagdagang alokasyon ng pondo para sa mga lalawigang labis na naapektuhan ng mga bagyo, sa pinal na probisyon ng 2021 General Appropriations Bill na ngayon ay isinasapinal na.


Sinabi ni Dy na umaasa umano sila na mababahagian ng karagdagang alokasyon ng pondo upang matulungan ang mga mamamayan sa Hilagang Luzon para muling makabangon, makaahon at makabawi mula sa pinsalang natamo mula sa bagyo.


Nanawagan din si Dy sa mga kapwa niyang mambabatas na tulungan siyang makahanap ng pangmatagalang solusyon sa pagtugon sa mga suliraning pangkalikasan at pabago-bagong panahon batay sa siyensya.


Idinagda pa ni Dy na dapat umanong pakinggan ang mga tinutukoy ng mga dalubhasa sa agham at kalikasan na paulit-ulit nilang sinasabi noong mga nakaraang dekada dahil malinaw na sila ay tama at nagbabala na sila na ang climate change ay magdudulot ng mga malalakas na bagyo na hindi natin maubos-maisip na ating mararanasan ngayon.


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

#LAVanPilipinas