Sa pagpapatuloy ng deliberasyon ng Committee on Women and Gender Equality hinggil sa mga nakabinbing panukala sa Kamara patungkol sa Sexual Orientation and Gender Identity Expression (SOGIE) anti-discrimination, inaprubahan nito bilang working draft ang third reading version ng House Bill 4982 o ang SOGIE Equality Act ng 17th Congress para sa kasalukuyang SOGIE anti-discrimination bills.
Ang hearing na pinamumunuan ni Bukidnon Rep. Maria Lourdes Acosta-Alba ay nilahukan ng mga tagapagsalita mula sa ibat ibang sektor na lumikha ng mas komprehensibong anti-discrimination bill.
Nilinaw ni Bataan Rep. Geraldine Roman na ang inihaing SOGIE anti-discrimination bills ay hindi lamang tungkol sa same sex marriage at gender recognition.
Napagkasunduan sa Komite na mag-iimbita sila ng mga tagapagsalita mula sa sektor ng negosyo at edukasyon para sa mas malawak pang diskusyon sa SOGIE anti-discrimination bill.
Ang pinakamahalagang usapin, ayon pa kay Roman, ay ang pagwawasto ng hindi pantay na batas para mapangalagaan ang mga LGBTQI+ na mamamayan ng bansa.
Ayon naman kay Acosta-Alba, para protektahan sila mula sa diskriminasyon, pananakit at pananakot, ginagawa umano nila ang pangunahing legal infrastructure na titiyak sa pantay-pantay na pagtingin sa lahat na mga mamamayan, anuman ang kanilang kasarian.
#SpeakerLordAllanVelasco
#SpeakerLAV
#LAVanPilipinas