Itinanggi ng National Irrigation Administration o NIA na hindi umano ang pagpakawala ng tubig sa Magat Dam ang dahilan ng pagbaha sa Cagayan Valley sa kasagsagan ng pananalasa ng Typhoon Ulysses.
Sinabi ni NIA Administrator Ricardo Visaya kahapon sa joint hearing ng House Committees on Agriculture and Food at North Luzon Growth Quadrangle na 15% lamang ang nai-contribute ng pinakawalang tubig sa dam doon sa pagbaha ng Cagayan River Basin.
Nilinaw ni Visaya na noong Typhoon Emong noong 2009, nagpakawala ang Magat Dam ng 8,068 cubic meters per second (cms) at ang water level ng Buntun Bridge sa Tuguegarao noon ay 9.82 meters lamang.
Ganun din daw, ayon sa kanya, noong November 2010, ang Magat ay nag-release ng 1,351 cms na mababa kaysa sa Emong ngunit ang water level nito ay umabot sa 12.70 meters.
Nitong Ulysses, nag-release ang Magat ng 6,706 cms at ang water level ng Buntun ay 13.2 meters kaya makikita dito na hindi ito ang dahilan ng malawakang pagbaha sa nabanggit na lugar.
Ang naturang hearing ay idinaos bunsod na rin sa resolusyon na inihain nina House Speaker Lord Allan Velasco, Majority Leader Martin Romualdez, Minority Leader Joseph Stephen Paduano at Deputy Majority Leader Bernadette Herrera-Dy.