Thursday, November 19, 2020

-Pagdeklarang protected areas sa ilang lugar sa bansa, aprubado sa Kamara

Sa isang online hearing ng Committee on Natural Resources sa Kamara na pinangunahan ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr., inaprubahan noong nakaraan Biyernes ang House Bill 965 na iniakda ni Zamboanga Sibugay Rep. Ann Hofer, na naglalayong gawing protected area ang “Naga-Kabasalan Protected Landscape” na nasa Zamboanga Sibugay, sa ilalim ng kategorya ng protected landscape, alinsunod sa Republic Act 7568 o ang National Integrated Protected Areas System (NIPAS) Act of 1992.”


Sinabi ni Hofer na ang panukala ay magdudulot ng wastong pangangasiwa, pangangalaga, proteksyon at paggamit ng likas yaman sa loob ng mga protektadong lugar.


Tiniyak ni DENR Region IX Regional Executive Director Krisma Rodriguez sa Komite na kapag naitatag ang Naga-Kabasalan bilang protected area, bububuin ng kagawaran ang Protected Area Mamangement Board (PAMB) upang isailalim sa regulasyon at kontrol, na inaasahang magpapatigil sa mga mapaminsalang aktibidad tulad ng pangangaso, pag-uuling at kaingin dito.


Inaprubahan din ng Komite ang HB 7419 o ang “Banao Protected Landscape Act of 2020”, na inihain ni Kalinga Rep. Allen Jesse Mangaoang.


Layunin din ng panukala na ideklara ang Banao Protected Landscape sa lalawigan ng Kalinga bilang protektadong lugar sa ilalim ng kategorya ng protected landscape.


Ang naturang landscape ay hindi naisama sa talaan ng mga protektadong lugar sa ilalim ng RA 11038 o ang Extended NIPAS Act of 2018.


Layunin din ng panukala na protektahan ang mga bulubundukin sa mga epekto ng pagbabago sa klima, paglapastangan ng mga tao sa kalikasan, at ang inaasahan na pangangalaga sa biodiversity at landscape ng bulubundukin ng Cordillera na pinamamahayan ng mga katutubong flora at fauna.         


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

#LAVanPilipinas