Ipinahayag ng bagong talagang Deputy Speaker at Buhay Partylist Rep. Lito Atienza na 100% siyang nakatitiyak na hindi na maaaring umiral ang Napoles style na pork barrel sa panukalang national budget para sa 2021.
Sa lingguhang Ugnayan sa Batasan press briefing, sinabi ni Atienza na siya mismo ang kauna-unahang magpapatawag ng imbestigasyon sakaling mayroon mang pork barrel sa 2021 budget.
Normal din aniya na busisiin panukalang budget ng Senado alinsunod na rin sa kanilang tungkulin at mandato.
Nakatuon aniya ang mga mambabatas sa pagbalangkas ng mga makabuluhang batas at alam din nila ang pangangailangan ng kanilang mga constituent.
Ayon naman kay Albay Rep. Joey Salceda, chairman ng House committee on ways and means, ang pambansang budget ay isa rin sa pandemic ecocomic recovery instrument.
At dahil nga nagkaroon ng madaliang pag-apruba sa second reading ang 2021 national budget sa nakaraang liderato ng Kamara, ikinagalak ni Salceda ang muling pagbalik sa plenaryo ng panukalang budget upang suriin itong muli bago tuluyang ipasa sa third and final reading ng bagong liderato.
Idinagdag din ng mambabatas ang kahalagahan ng pag-apruba sa panukalang Bayanihan 3 upang ilaan ito para pambili ng bakuna laban sa corona virus disease.