Saturday, November 07, 2020

-Mithiing magandang ugnayan ng Kamara at Senado, maisakatuparan na — Speaker Velasco

Ipinahayag [noong Huwebes, Nov 5 ] ni House Speaker Lord Allan Velasco ang kanyang mithiin para sa isang “new era of cooperation” sa pagitan ng Kamara de Representantes at ng Senado matapos na simulan ng dalawang kapulungan ang pagbalangkas ng napagkasunduang legislaive agenda sa nalalabi pang 20 buwan ng ika-18 Kongreso.

Sinabi ni Speaker Velasco na umaasa siya ng isang magandang ugnayan sa pagitan ng Kamara at Senado upang matiyak na ang nalalabing mga sesyon ng 18th Congress ay magiging matagumpay at produktibo.


Sinambit ni Velasco ang kanyang pahayag matapos pangunahan nina Senate President Vicente Sotto III at ng Speaker ang isang informal caucus ng mga namumuno sa dalawang kapulungan sa EDSA Shangri-La Hotel sa Mandaluyong City noong nakataang Huwebes.


Ang meeting, sa inisyatiba ni Speaker, ay dinaluhan nina Senate President Pro Tempore Ralph Recto, Senate Finance Committee Chairman Senator Juan Edgardo Angara, House Majority Leader Ferdinand Martin Romualdez, House Committee on Appropriations Chairman Eric Yap, at House Minority Leader Joseph Stephen Paduano.


Dumalo naman sa pagpupulong sa pamamagitan ng Webex application videoconference sina Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri at Minority Leader Franklin Drilon.




“Itinuturing natin ang ating mga Senador bilang mga mahahalagang kasosyo, kaalyado at mga kaibigan, at ating pinasasalamatan ang liderato ng Senado sa mahalagang pagpupulong na ito,” ani Velasco. 


Sa pagpupulong sa pagitan ng mga pinuno ng dalawang kapulungan bago ang pagbabalik-sesyon sa ika-16 ng Nobyembre sa Kamara ay nagkasundo ang mga mambabatas na magkakaroon sila ng nagkakaisang prayoridad sa lehislasyon sa susunod na limang buwan, alinsunod sa mga agenda ni Pangulong Rodrigo Duterte na kanyang inilahad sa kanyang State of the Nation Address noong nakaraang Hulyo, na mayroong mga karagdagang datos mula sa Kamara at Senado.


Kasama sa mga agenda ng Pangulo para sa legislation ay ang panukalang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises o CREATE Act, Financial Institutions Strategic Transfer o FIST Act, Rural Agricultural and Fisheries Development Financing System Act, at ang panukala na magtatatag sa Department of Overseas Filipinos.


“Umaasa ang ating Pangulo bilang ating Punong Ehekutibo, sa Kongreso, upang siya ay tulungang maisakatuparan ang kanyang mga ipinangako sa sambayanag Pilipino bago matapos ang kanyang termino,” dagdag ni Velasco.


“Taimtim naming tinatanggap ang kanyang panawagan na tapusin ang sistematikong katiwalian sa pamahalaan, at sama sama kaming magta trabaho ng mga mambabatas upang makapagsabatas ng mga sistema na makatutulong sa ating mga manggagawa, magsasaka at mangingisda,” ayon pa kay Velasco. 


Sinabi ni Velasco na hiniling ng Kamara sa Senado na bigyan ng prayoridad ang panukalang Magna Carta of Barangay Workers na makakatulong sa mga frotliners ng barangay, gayundin ang panukalang Internet Transactions Act na naglalayong protektahan ang mga konsyumer lalo na sa pagdami ng gumagamit ng mga transaksyon gamit ang online sa gitna ng pandemyang dulot ng COVID-19.


Ang magandang relasyon ngayon ng Kamara, sa pamumuno ni Speaker Velasco, at ng Senado ay maiuugnay sa maagang pagsusumite sa Senado ng inaprubahang 2021 General Appropriations Bill (GAB) ng Kamara.


Nagpahayag ng pagtitiwala si Velasco na ang GAB ay maipapasa ng dalawang kapulungan ng Kongreso at malalagdaan ni Pangulong Duterte bago matapos ang taon upang maiwasan ang reenacted budget na nanganganib na magpabagal sa paglago ng ekonomiya at makasagabal sa paghahatid ng serbisyo ng gobyerno sa mga mamamayan. 


Nagkakasundo ang liderato ng dalawang kapulungan ng Kongreso na dapat na agad na maaprubahan ang pambansang badyet,” ani Velasco.


Noong ika-27 ng Oktubre ay isinumite na ng Kamara sa Senado ang inaprubahang sipi ng panukalang P4.506-trilyong 2021 GAB, na mas maaga ng isang araw sa itinakdang iskedyul. 


Ang pinakamataas na badyet sa kasaysayan ay dinisenyo upang palakasin ang pagtugon ng pamahalaan at patatagin ang pag-ahon sa ekonomiya sa harap ng pandemyang sanhi ng coronavirus.


Umaasa si Velasco na magkatuwang na magtatrabaho, ng may pagkakasundo, ang dalawang kapulungan ng Kongreso sa GAB at iba pang mga panukalang batas na tutulong sa bansa para sa mabilis na pag-ahon mula sa pandemya.


“Mayroon kaming magandang relasyon ng Senado sa maayos na pagta trabaho at kaming lahat ay nagkakasundo,” ani Velasco.


“Nananalig kami na makakapagpasa kami ng mga batas na tutugon sa pagtulong sa ating mga kababayan upang mapagtagumpayan ang pandemyang ito bago matapos ang taon.” 


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

#LAVanPilipinas