Tuesday, November 10, 2020

-Misa para sa mga biktima ng bagyong Rolly at Quinta, dinaluhan ni Speaker Velasco

Minarapat ni House Speaker Lord Allan Velasco sa kanyang ika-43 kaarawan ngayong araw (Nov 9) na dumalo sa isang misa, kasama ang mga opisyales at kawani ng Mababang Kapulungan ng Kongreso, na inialay sa mga napinsala ng bagyong Rolly at Quinta na magkasunod na nanalanta sa bansa kamakailan.

Pinangunahan ni Rev. Fr. Ed Molina ng Archdiocese ng Novaliches ang selebrasyon ng misa sa St. Thomas Moore Chapel na nasa House Legislative Library, Archives and Museum Building ng Kamara.


Bukod sa pag-aalay ng misa para sa mga biktima ng mga bagyo ay sinimulan din ng Kamara na pinamumunuan ni Speaker Velasco ang isang fund drive noong nakaraang linggo para makaimpok ng pondo na gagamitin sa pagtulong na masagip, makaahon at rehabilitasyon ng mga lugar na nasalanta ng dalawang bagyo.


Bilang tugon, maraming mambabatas ang nag-alay ng kanilang buong sahod para sa buwan ng Nobyembre para sa mga nasalanta.


Samantala, nanawagan si Secretary-General Jocelia Bighani Sipin sa mga mambabatas at mga hepe ng departamento ng Kamara na mag-alay ng mga “hindi nasisirang pagkain, damit, tsinelas, toiletries at iba pang mga kagamitan na maaaring magamit” ng mga biktima ng kalamidad.


Ayon kay Sipin, naglagay ang Secretariat ng mga kahon ng donasyon na may tatak na “Mula sa Kongreso, Para sa Pilipino” sa mga lobby ng North Wing, South Wing, RVM Building at South Wing Annex.


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

#LAVanPilipinas