Monday, October 26, 2020

-Unahin ang pagsasabatas ng disaster resilience bill - panawagan ni Speaker Velasco sa Senado

Nanawagan kahapon si House Speaker Lord Allan Velasco sa Senado na unahin nilang ipasa ang panukalang magtatatag ng Department of Disaster Resilience o DDR na naipasa na sa pangatlo at pinal na pagbasa ng Kamara noong ika-21 ng Setyembre at ito ay naghihgintay na lamang ng deliberasyon mula sa kanila.

Ito ay dahil na rin sa pananalanta at mga pagkawasak ng mga ari-arian na dulot ng Bagyong Quinta kahapon sa ibat ibang panig ng bansa.


Umaasa ang House Leader na ipasa na ng mga senador ang kanilang bersyon ng panukala upang ganap na itong mapag-isa para malagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte at maging ganap na na batas.


Nasa Marinduque ang Pinuno ng Kamara kasama ang kanyang pamilya nang tumama ang bagyong Quinta sa rehiyon bandang alas 2 ng madaling araw kahapon, ika-25 ng Oktubre.


Binigyang-diin ni Velasco na malaki ang maitutulong sa pagtatatag ng DDR sa pagtugon sa mga mapaminsalang sakuna tulad ng bagyo at lindol, lalo na sa kasalukuyang panahon na ang buong mundo ay nakikipaglaban sa pandemya.


Aniya, ang DDR ay magbibigay ng kahandaan, kasanayan at mga kagamitan na ating magagamit sa pagdating ng mga sakuna at magiging panatag ang iba pang mga kagawaran na gampanan ang kanilang mga mandato na makatulong sa sambayanan sa pag-ahon mula sa COVID-19.


Ang consolidated DDR bill ay iniakda ng 35 mambabatas at kasama si Velasco sa mga nagsulong nito.


Layunin ng batas na itatag ang DDR bilang pangunahing ahensya ng pamahalaan na mamumuno, mag-oorganisa at mamamahala ng pambansang pagsisikap na mabawasan at matugunan ang mga panganib na dulot ng mga sakuna, at manguna sa pag-ahon at rehabilitasyon ng bansa.