Batay sa layuning makatipid at mapagbuti ang serbisyo ng transportasyon sa gitna ng pandemyang dulot ng COVID-19, tinalakay ng Committee on Mindanao Affairs sa Kamara na pinamumunuan ni Lanao del Norte Rep. Mohamad Khalid Dimaporo, ang Mindanao Railway Project (MRP) sa pamamagitan ng teleconference
Ang pagdinig ay isinagawa base sa House Resolution 727 na inihain ni Dimaporo mismo na nag-uutos sa National Economic Development Authority (NEDA) at Department of Transportation (DOTr) na magsumite ng posibleng pag-aaral sa MRP.
Sa idinaos na pagdinig, iniulat ni MRP Phase 1 Project Manager Atty. Clipton Solamo na inaprubahan na ng NEDA Board ang pagpapalit ng halaga ng MRP Phase 1 mula P35.9-bilyon na maging P81.7-bilyon noong ika-29 ng Nobyembre 2019.
Idinagdag ni Solamo na ang halagang P70.2-bilyon ay popondohan ng China Official Development Assistance na mangangailangan ng isang kontrata para sa proyekto bago magpirmahan ang dalawang gobyerno ng kasunduan sa pautang.
Ipinaliwanag ni DOTr Undersecretary TJ Batan na ang pagtaas sa halaga ng proyekto ay dahil sa detalyadong disenyo ng enhinyero na isinagawa matapos ang orihinal na pagkaka-apruba ng NEDA noong 2017.
Diin pa ni Batan na sa inilabas na disenyo nito ay kailangang gumawa sa ibang lugar halimbawa ng elevated structures at sa ibang lugar naman ay kailangang gumawa ng deep cuts at embankments at karaniwan sa pagtaas sa halaga ng proyekto ay may kaugnayan sa civil-works.
Nakatakdang ipagpatuloy ng Komite ang deliberasyon sa proyekto sa susunod na pagdinig.
#SpeakerLordAllanVelasco
#SpeakerLAV
#LAVanPilipinas