Tuesday, October 27, 2020

-Kopya ng aprubadong 2021 GAB, ipinadala na sa Senado - Speaker Velasc

Ipinadala na kahapon ng Kamara de Representantes ang kopya ng inaprubahang 4.506 trillion peso 2021 General Appropriations Bill sa Senado, na mas maaga ng isang araw kesa sa itinakda.

Sinabi ni House Speaker Lord Allav Velasco na ang badyet ng nasyunal na panahalaan na may pinakamataas na tala ay naglalayong patatagin ang pagtugon ng gobyerno at pasiglahin ang pag-ahon sa ekonomiya ng bansa sa gitna ng pandemyang idinulot ng coronavirus.


Ayon pa sa lider ng Kapulungan, hindi lamang sa ipinasa ng mga kongresista ang pambansang badyet para sa susunod na taon sa tamang oras, legal na paraan at naaayon sa Saligang Batas, tinitiyak din umano nila na ang paggasta ng pamahalaan sa susunod na taon ay alinsunod sa mga pangangailangan ng ating mga mamamayan sa harap ng pinakamatinding krisis pangkalusugan na naranasan ng ating henerasyon.


Sa bersyon ng badyet mula sa Kamara, dinagdagan nila ang pondo para sa Department of Labor and Employment DOLE upang tulungan ang mga manggagawa na nawalan ng trabaho sanhi ng COVID-19, at ang para sa Department of Social Welfare and Development DSWD upang maipagpatuloy ang pamamahagi ng ayudang pinansyal sa mga pamilyang labis na naapektuhan ng pandemya.


Giit pa ng lider ng Kongreso na ang pagpasa ng pambansang badyet ay hindi magiging matagumpay kung hindi sa mga masisipag at dedikadong mambabatas ng Kamara, kasama na ang mga kawani sa Secretariat, na inaabot ng madaling araw sa pagtatrabaho upang matiyak lamang na maipapasa ang badyet na makatarungan, matuwid, nasa tamang oras, at tumutugon sa mga pangangailangan ng ating bansa habang tayo ay nakikipaglaban sa isang malubhang pampublikong kalusugan at krisis pang-ekonomiya. 


Nagpahayag si Velasco ng kanyang kagalakan at pasasalamat sa lahat ng kanyang mga kasamahan sa kanilang kasipagan at dedikasyon, at pagiging bahagi ng bulwagan ng Kamara bilang kinatawan ng sambayanang Pilipino.  


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

#LAVanPilipino